Sinorpresa ni Joaquin Domagoso ang kaniyang ama na si Manila Mayor Isko Moreno sa Christmas lighting ceremony sa isang mall sa lungsod.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagulat ang alkalde nang biglang makita ang kaniyang anak sa naturang mall para magtanghal.

Sa isang punto ng programa, nagsaway ang mag-ama sa signature dance ni Mayor Isko na "Dying Inside [To Hold you]."

Natatawang kuwento ni Isko, nagpaalam daw sa kaniya ang anak na mayroong pupuntahan.

"Nagpaalam sa akin kanina pupunta raw sa Malate. Yun pala dito pupunta," anang alkalde.

Sabi naman ni Joaquin, nakita niya ang pagkagulat ng kaniyang ama nang makita siyang magtanghal sa mall.

Samantala, masaya naman si Joaquin dahil natupad na isa niyang pangarap na makasama sa isang teleserye.

Kabilang siya sa cast ng upcoming series na "First Yaya" na pagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.

Natutuwa si Joaquin na si Cassy Legaspi ang kaniyang magiging ka-love team sa serye, na bagaman kaibigan niya ay aminado siyang hindi niya matitigan ang mga mata at hindi niya maipaliwanag kung bakit.--FRJ, GMA News