Nanawagan ang ilang Kapuso star sa kanilang mga tagasuporta na makiisa sa pagtulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Ilan sa mga bahagi ng League of Filipino Actors o Aktor PH tulad nina Dingdong Dantes, Jasmine Curtis-Smith, Janine Gutierrez, Glaiza de Castro, Gabbi Garcia at Therese Malvar ang nag-post sa kani-kanilang mga social media ng panawagan ng grupo para sa mga donasyon.

Kaakibat ng Aktor PH ang Catholic Bishop's Conference of the Philippines, Caritas PH, Andrew's Fund PH at ang YesPinoy Foundation para sa ginagawang relief operations.

"Kapit-bisig nating tulungan ang mga nasalanta ng bagyong #UlyssesPH," saad ni Dingdong.

 

 

Nangangailangan ang mga nasalanta ng mga sumusunod: damit, kumot, tuwalya, Vitamin C, tubig, bigas, at de lata.

"Sama-sama nating harapin ang sakunang ito at iahon ang isa't isa," panawagan ni Dingdong.

Bukod dito, nag-post din sa kani-kanilang IG stories ang iba pang Kapuso stars ng mga detalye ng mga relief operation na maaaring salihan o padalhan ng donasyon.

Ang ilan namang celebrities tulad nina Carla Abellana at Bianca Umali, nag-post ng mga panawagang huwag iwan ang mga alagang hayop, lalo ang mga aso, sa gitna ng baha o bagyo.--FRJ, GMA News