Ngayong dalaga na ang dating nag-viral na si "Badjao Girl" Rita Aviola, may nakakapagsabi na tila pang-beauty queen ang kaniyang ganda.

Naging panauhin si Rita o Rits sa "Bawal Judgemental" nitong Sabado bilang isa sa mga tao na naging "talk of the town" noon.

"Ikaw ba meron kang balak sumali sa mga beauty pageant?" tanong ni Dabarkads Paolo Ballesteros kay Rits.

Para kay Rits, uunahin muna niya ang pag-aaral.

"Sa ngayon po dahil bata pa ako, siguro mas magfo-focus po ako sa pag-aaral kasi mas maganda kapag nakatapos ka ng pag-aaral," sabi ni Rita.

"Kahit hindi po ako nakilala o nag-viral, itutuloy ko pa rin po 'yung pag-aaral kasi unang una mas maganda kapag nakatapos ka. Mas maganda kapag 'yung diploma hawak-hawak mo hanggang sa pagtanda mo," dagdag pa niya.

Inilahad din ni Rita ang kaniyang mga pangarap, partikular na sa kaniyang mga katribong Badjao.

"Pangarap ko po sa parents ko, mabigyan ko po sila ng magandang bahay at siyempre 'yung mga kapatid ko makapagtapos po ng pag-aaral po... Gusto ko pong turuan 'yung mga katribo kong Badjao po na hindi pa gaanong nag-aaral po," sabi niya.

"Ang masasabi ko lang po sa kanila, huwag po kayong tumigil na mangarap dahil po ang pangarap ay libre, hindi po 'yan binibili. Sa amin po maraming maagang nag-aasawa. Siyempre ako, gusto ko maging magandang halimbawa sa kanila. Hindi porke't Badjao tayo kailangan nating maliitin 'yung ating pagkatao. Lalo nating iangat kung saan tayo nagmula at maging proud tayo," mensahe ni Rita sa kaniyang mga katribo. —JST, GMA News