Mayroon bagong libangan ang mag-asawang Iya Villania at Drew Arellano— ang big bike racing.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni  Iya na si Drew mismo ang naghikayat sa kaniyang subukan ang naturang sport.

Dati nang kumuha ng lesson si Iya sa big bike racing pero ngayon lang siya sumabak sa race track matapos niyang isilang ang bunso nilang anak na si Baby Alana.

"Exciting siya, it's so much fun," anang Chika Minute host. "When the photographer was able to catch a picture of both Drew and I in the same frame, dun ako sobrang natuwa kasi parang wow, who would've thought na I'd be able to be on the track with my husband?"

Tinitiyak naman daw ni Drew na maayos ang takbo ni Iya sa race track.

"Sa sobrang bilis na kasi ni Drew nahahabol kasi niya ako sa likod kaya he actually really wanted to ride behind me 'cause he wanted to see kung kamusta 'yung mga linya ko," ani Iya.

Aminado naman si Iya na nagkaroon siya ng takot sa simula sa big bike racing.

"I'm dressed for the crash so there's nothing to be afraid of," pahayag niya. "Dahil if you're wearing the right gear, if you're dressed appropriately then you have nothing to fear." —FRJ, GMA News