Nagkaalaman kung sino ang nagpapakatotoo kina "Hipon Girl" Herlene at Miss Manila 2020 Alexandra Abdon nang magkasagutan sila sa "Wowowin." Ikinasa na rin ni Kuya Wllie Revillame ang magiging tapatan nila sa darating na Lunes, Disyembre 14.

Sa panayam ni Kuya Wil kay Alexandra, kinumpirma ng Wowowin host kung totoo ang mga usaping nilait umano ng beauty queen si Herlene sa isang event.

"Sakto lang! Hala grabe nilait ko ba siya? Oh my God sorry Hipon alam mo hindi kita nilait. Nag-state lang ako ng facts. Charot!" sabi ni Alexandra.

Bukod dito, nagulat din si Alexandra nang malamang si Kuya Wil pala ang kausap niya.

Habang bumabati naman si Alexandra, tila ino-okray okray siya ni Herlene, pero tinawanan niya lang ito.

"Wala akong naiintindihan sa kung ano mang sinasabi mo pero 'yung reaction ko natatawa lang ako sa kung ano mang sinasabi mo," sabi ni Alexandra.

Sagot naman ni Hipon, iniiba lang ni Alexandra ang kaniyang salita at kinukuha sa iba ang kaniyang expression tulad ng "etneb etneb" na nagmula umano kay Mayor Isko Moreno.

Dahil dito, inaya ni Kuya Wil kung maaaring bumisita si Alexandra sa Wowowin sa Disyembre 14, Lunes para makipagtapatan kay Herlene.

"Hipon maghanda ka na!" hamon ni Alexandra. "If I were her mag-prepare siya, magpaganda siya, ibigay na niya 'yung todo niya."

"Wil, ako sa totoo lang, wala nang ibubuga ito, todo na ito. Sa ganda wala ako, pero abangan mo," tugon naman ni Hipon. – Jamil Santos/RC, GMA News