Hindi itinago ni Willie Revillame ang pagkadismaya kay Miss Manila Alexandra Abdon nang hindi ito nagtuloy sa kaniyang guesting kamakailan sa "Wowowin-Tutok To Win."

Nitong Lunes, sinabi ni Kuya Wil na bisita niya dapat sa “Wowowin” ang Miss Universe Philippines 2020 candidate, ngunit siya daw ay mayroong naunang schedule na shoot.

“Sinabi natin sa kanya nung Friday gi-guest natin siya. Eh nag-commit ka. Sayang, dapat ikaw ang co-host ko, Miss Manila,” sabi ni Kuya Wil.

“Isang oras at kalahati ka sa TV. Diba sandali ka lang sa Miss Universe, talo ka pa. Diba? ’Di nag-iisip eh,” pabirong sabi ng host.

Dagdag ni Kuya Wil, hindi daw niya pinapunta si “Hipon Girl” Herlene Budol at si Miss Universe Philippines 2nd runner-up Michele Gumabao ng araw na iyon dahil inaasahan niyang maging cohost si Miss Manila.

Dahil sa pangyayari, sinabihan ni Kuya Wil si Alexandra: “Sorry, hindi ka namin magi-guest na. Hindi mo kami binigyan ng pagkakataon na makilala at makasama ka.”

Dagdag ng host: “I’m sorry, Miss Manila. That’s it. Maybe see you in another life.”

Sa ibang episode, nalaman ni Kuya Wil na gusto magpaliwanag ni Alexandra, at sinabi ng host na handa siyang makinig.

“Hindi ako nagalit,” paglilinaw ni Kuya Wil. “Sabi mo pupunta ka nung Monday, you have to be professional. Pag nag-commit ka...you have to commit.”

Dagdag nito: “Ako ’pag sinasabi kong pupunta ako, kahit anong mangyari gagawa akong paraan. Ganun dapat, it’s a commitment. Paano ka paniniwalaan ng tao kung ’di ka nag-co-commit. Mag-commit ka tapos di mo tutuparin?” patuloy niya. – RC/FRJ, GMA News