Sa "The Boobay and Tekla Show," inamin ni Tom Rodriguez na mayroon siyang pinagselosan noon kay Carla Abella dahil sa pakiramdam daw ng aktor ay mas matimbang sa nobya ang kaniyang "karibal."

Sa segment na "Feeling The Blank," may mga larawan na ipinakita ang mga host na si Boobay at Tekla kay Tom pero sila-sila lang ang nakakaalam kung ano o sino ang nasa larawan.

Sa isang larawan na ipinakita kay Tom, may kasama itong katanungan kung totoo bang minsan ay pinagselosan niya ang nasa larawan.

Oo naman ang naging tugon ni Tom.

"May ilan na nangyari na naramdam ko na mas matimbang siya kaysa sa'kin. [Pero] sabi niya [Carla] naman, hindi," kuwento ni Tom.

Pero may pagkakataon daw na "nasaktan" ang kaniyang damdamin at sa tingin niya ay baka ang "pinagseselosan" niya ang pipiliin ni Carla.

Ngayon ay iba na raw ang pakiramdam ni Tom sa dati niyang pinagseselosan.

Mahulaan niyo kaya kung sino ang "pinagselosan" ni Tom? Panoorin ang video ng "TBATS."--FRJ, GMA News