Nagdesisyon si Maui Taylor na ipatanggal na ang kaniyang breast implants na naging dagdag-asset niya noon bilang isang sexy star. Ang aktres, nagpasyang alisin ito para na rin sa dalawa niyang anak na lalaki.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kabilang sa naging puhunan ni Maui sa showbiz ang pagkakaroon ng malaking dibdib.

Pero ipatatanggal na niya na ito dahil napansin niya na pabigat ito nang pabigat habang tumatagal.

"Nu'ng time po namin nu'ng nagse-sexy kami, talagang kailangan [na] meron kang enhancements. Pero ngayon you can be sexy naman po even without that one eh," sabi ni Maui.

Dagdag pa ng aktres, hindi na siya kumportable sa kaniyang dibdib kapag lumalabas siya, lalo pa kung kasama ang dalawang anak na lalaki.

"Naiilang din ako kapag meron akong eksena na naka-bathing suit ako... It's time to take it down kasi siyempre meron akong two boys na pinapalaki na sobrang over-protective rin sa akin," ani Maui.

Inaayos na raw niya ang schedule sa pagtatanggal ng kaniyang implants.

"Baka po itong March, kasi naghahanap lang po ako ng free time sa schedule ko. It needs kasi at least mga three weeks na healing period."

Ayon pa sa sexy actress, mas gusto niyang ipakita ang kaniyang acting abilities sa kaniyang mga proyekto.

Mapaghamon naman ang role ni Maui sa darating na episode ng "Wish Ko Lang" sa Sabado, na isang kasambahay na pumasok sa napaka-"experimental" na amo.

Makakasama ni Maui sina Jon Lucas, Ashley Rivera at Biboy Ramirez.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News