Makalipas ang ilang linggong pagpo-post ng mga larawan na magkasama, kinumpirma na nina Derek Ramsay at Ellen Adarna ang kanilang relasyon.

Sa artikulo ni Arniel C. Serato sa PEP.ph nitong Biyernes, sinabing inamin ng dalawa ang kanilang relasyon nang makapanayam sa mismong bahay ni Derek sa Ayala Alabang, Muntinlupa.

Ayon kay Derek, walang ligawan na nangyari.

"It’s just nagkakilala kami, from the dinner, every day, ‘O, workout,’” pahayag ng aktor.

Nilinaw din ni Derek na siya ang laging nag-aaya kay Ellen matapos sabihin ng aktres na baka isipin ng iba na siya ang nanligaw.

Nagsimula ang lahat noong Enero 11 nang makita sa social media ang cozy pictures ng dalawa sa dinner party sa bahay ng aktor na kasama ang iba pang kaibigan nilang artista.

Mula noon ay nagsunud-sunod na ang pag-a-upload nila ng mga larawang magkasama.

Ayon sa ulat ng PEP.ph, sinabi ng dalawa na isang buwan na ang kanilang relasyon.

Matatandaan na noong Nobyembre nang kompirmahin ni Derek na hiwalay na sila ng dating nobyang si Andrea Torres. --For the full story, visit PEP.ph