Hindi na co-stars kung hindi tropa ang turingan ng cast members ng upcoming series na "First Yaya," na pinangungunahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, unang pagkakataon na nagkatrabaho sina Gabby at Sanya, at may mga nadiskubre sila sa isa't isa habang nagta-taping ng serye.

"Mapagmahal sa kapwa at saka madali siyang pakisamahan, madali siyang barkadahin. Marami ring dalang pagkain 'yan," sabi ni Gabby patungkol kay Sanya.

Ayon naman kay Sanya, nakita niya kung gaano mapagbigay si Gabby sa mga katrabaho at mahilig din daw na magluto.

"Sobrang generous niya as in lahat sagot niya. Kung saan kami masaya tatanungin kami, 'Anong gusto ninyo? Tapos nagluluto yan para sa amin," anang dalaga.

"At masarap siyang magluluto. Mahilig siyang mag-imbento ng lulutuin," dagdag pa ni Sanya.

Dahil sa nabuong magandang samahan sa taping, hindi na katrabaho kung hindi magbabarkada na umano ang turingan ng cast members.

"Wwalang tao doon na hindi ko kasundo, walang negative sa set namin, lahat ok," ayon kay Gabby. --FRJ, GMA News