Sa pamamagitan ng Instagram post, ibinahagi ni Nico Bolzico ang kaniyang saloobin bilang isa na ring ama nang bisitahin niya ang kaniyang mga magulang sa Argentina.

"They are the main reason I came to Argentina. I think that becoming a father makes you a better son!" saad ni Nico sa caption ng larawan ng kaniyang mga magulang na kaniyang ipinost.

Matapos ang isang linggong pananatili sa Argentina, naghahanda na si Nico na bumalik sa Pilipinas para naman makapiling ang kaniyang mag-ina na sina Solenn Heussaff at Baby Thylane.

"Now it is time to go back home to see @Solenn and #TiliBolz, the return of the sheriff, a sheriff that reports to #Wifezilla but that commands #Pochola and #ElGato, most of the times, while #Patato still running rogue and #Pechuga follows him," sabi pa ni Nico.

Ayon kay Nico, 40 oras ang kaniyang biyahe sa eroplano at sasailalim siya sa 7-day quarantine sa isang hotel pagdating sa bansa.

Nitong nakaraang linggo, inihayag ni Nico ang hirap na mawalay sa kaniyang mag-ina para bisitahin ang kaniyang mga magulang.

Ang isang taong gulang na si Baby Thylane ang unang anak nina Nico at Solenn.— FRJ, GMA News