Hindi napigilan ni Nash Aguas na matawa sa usap-usapan na nabuntis umano niya ang kasintahang si Mika dela Cruz.

Sa Instagram video nitong Martes, makikita si Nash na tumatawa habang pinapanood ang YouTube video na nagsasabing buntis si Mika.

“So kanina nag-post po ako [na] mukhang naka-pang binyag si Mika,” pahayag ng aktor habang ipinapakita ang dating Instagram post na larawan na kasama niya si Mika na nakaputing damit.

“Ayon sa YouTube, buntis na si Mika!” ani Nash na ipinakita pa ang computer screen habang ipinapakita ang YouTube video.

Habang nanonood, natatawang napasambit ang aktor ng “oh my God” at “what the F?”

 

 

Taong 2018 nang kumpirmahin nina Nash at Mika ang kanilang relasyon at ipinagdiwang nila ang kanilang second anniversary nitong nakaraang October 2020.

Sinasabing nagsimula ang magandang ugnayan ng dalawa nang magkasama sila sa pelikulang "Tiyanaks" noong 2007.--FRJ, GMA News