Sinagot ng bagong Kapuso leading man na si Kelvin Miranda ang intriga na nakita raw siyang nagsa-shopping sa Hong Kong kasama ang isang gay "benefactor. "

Sa "The Boobay and Tekla Show," sinabi ni Boobay na taong 2019 umano nang lumabas ang tsismis na makita si Kelvin sa Hong Kong na kasama ang isang bading.

"Hindi po totoo," sagot ni Kelvin. "Kasi hindi pa ako nakakapunta sa ibang bansa kahit saan."

"Wala pong katotohanan 'yun," dagdag ng aktor, na gumanap bilang si Chef Harvey Napoleon sa Kapuso series na "The Lost Recipe."

Nang hingan siya ng mensahe sa taong nagkakalat ng maling balita tungkol sa kaniya, sagot ni Kelvin, "Thank you po."

Samantala, sinabi rin ng aktor na single siya ngayon.

Nang tanungin kung ano ang katangian na hanap niya sa isang babae, "Basta maiintindihan 'yung pangarap ko," sagot niya.

Para sa kaniya, hindi pa siya nagkamali ng taong kaniyang minahal.

"Mas kasing tingnan na lang 'yung mas mabuti kaysa mas masama. Kasi kung 'yun lang ang iisipin mo, magiging masama talaga 'yung tingin mo sa lahat ng bagay," saad ng aktor.--FRJ, GMA News