Labis ang tuwa ni Jak Roberto matapos siyang makabili na ng sarili niyang lupa na pagtatayuan niya ng pinapangarap niyang bahay.

Sa kaniyang latest vlog, inilahad ni Jak na matagal na niya itong pangarap at nasa bucket list.

"Ganu'n pala 'yung pakiramdam, 'yung finally ang dami kong realization na after ilang years ko nang pagtatrabaho bilang artista, after ilang years na pagva-vlog ko and after ilang years ng mga mall show... After 'yung ilang pagpupuyat sa taping, sa mga soap, sa mga pinagdaanan, noong nagsisimula pa lang ako sa showbiz," anang Kapuso actor.

"Tapos ngayon may sarili na akong titulo ng lupa. Amen! Amen! po talaga. I feel so blessed kasi ni hindi ko inisip talaga before na ganito, makakabili ako ng lupa," dagdag ni Jak.

Matapos ang transaksiyon sa kaniyang broker, binisita at ipinakita ni Jak ang nabili niyang lote, na minarkahan na para sa sukat nito.

Inalala naman ni Jak ang mga hirap na pinagdaanan nila noong mga bata pa lang sila ng kapatid niyang si Sanya Lopez, lalo noong kung saan-saan sila nakikitira nang mamatay ang kanilang tatay.

Matapos ang ilang araw, ipinakita rin ni Jak kay Sanya ang nabili niyang lote, na maiututuring niyang "one of the highlights of my life." -MDM, GMA News