Inilayag ng beauty queens na sina Ariella Arida at Kimberly "Billie" Hakenson ang kanilang suporta para sa pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2020 na si Rabiya Mateo.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood ang no make-up at fresh look ni Rabiya, na usap-usapan pa rin ilang araw na mula nang i-post.

Pinusuan ng fans at ng kaniyang kapwa beauty queens ang post ni Rabiya, na tungkol sa pagpapakita ng totoong sarili.

Kabilang sa mga humanga ang co-candidates na sina Miss Universe India Adline Castelino at Miss Universe Australia Maria Thattil.

Nagpayo si 2013 Miss Universe third runner-up na si Ariella kay Rabiya.

"It is hard to please everybody. Maniwala ka na andiyan ka, pinili ka at nakitaan ka namin na you can carry the flag to represent the Philippines the best way you can," sabi ni Ariella.

"Nakikita ko kapag uuwi na siya tapos pagod na pagod na siya kasi buong training. Pero 'yung drive niya talaga nandoon, sobrang motivated siya to bring our fifth crown," sabi naman ni Billie na 2020 Miss Universe Philippines fourth runner up.

"Tapos siyempre support since ako 'yung pinakamatanda sa aming tatlo, si Pauline, si Rabiya, ako, andiyan 'yung magluluto ako tapos dadalahan ko na lang siya sa bahay niya," dagdag pa niya.

Inihayag din ni Billie ang tawagan nila ni Rabiya.

"I call her 'Biya,' she calls me 'Billieta.' 'Biya, you know that the whole Philippines is rallying behind you. I know that you can bring the fifth crown to the Philippines." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News