Humanga sina "Mars Pa More" hosts Iya Villania at Camille Prats sa ganda ng mga tattoo sa likod ng host-comedian-actress na si Tuesday Vargas.

Kuwento ni Tuesday,  ang larawan na kita ang mga tattoo niya sa likod ay kuha nang magpunta siya sa Balesin para sa isang trabaho kaugnay ng business niya sa wedding.

Nang makaalis na ang kaniyang kliyente, sinamantala na rin niya ang pagkakataon na makapag-relax kaya may larawan siya na naka-swimsuit na kita ang kaniyang mga tattoo.

Nang tanungin naman kung ano ang kuwento sa likod ng kaniyang mga tattoo, ipinaliwanag ni Tuesday na representation ng iba't ibang motif ng mga bansa na kaniyang napuntahan.

"When I travelled, naghahanap ako ng iba't ibang symbols ganyan. Usually around Asia: may Japanese, may Indonesian, may Chinese," paliwanag niya.

Sabi pa ni Tuesday, 23-anyos siya nang una siyang magkaroon ng tattoo na ipinagawa niya nang una siyang bumiyahe sa Thailand. -- FRJ, GMA News