Sa murang edad, nakaranas na si Anna Vicente ng mga rejection sa buhay, kaya naman nasanay na siyang harapin ang mga ito bilang pagsubok.

"Bata pa lang po ako, natuto na akong mag-accept na hindi lahat makukuha mo, meron talagang challenges na dadating sa'yo," sabi ni Anna sa GMA Regional TV Early Edition.

"Ang masasabi ko, lahat ng mga hindi ako nakukuha sa auditions or 'yung mga rejections ko, at an early age alam ko na 'yung rejection, so nu'ng tumanda ako hindi naging mahirap for me na tumanggap ng mga rejections, pagkakamali," saad pa niya.

Nagpasalamat si Anna na namulat na siya agad sa mga hamon at pagsubok.

"Very blessed ako to experience that at an early age," anang Kapuso actress.

Dati nang inihayag ni Anna na pangarap na niyang maging artista mula pa noong pagkabata.

Para sa kaniya, passion ang pag-aartista kung saan sa bawat pagganap ng isang aktor sa iba't ibang role, nakikilala pa niya lalo ang kaniyang sarili.

Mapapanood si Anna sa "Ang Dalawang Ikaw" kasama sina Ken Chan at Rita Daniela.-- FRJ, GMA News