Nag-uumapaw man sa kilig ang video ng palitan ng handwritten love letters nina Glaiza de Castro at David Rainey sa isa't isa, nilinaw ng aktres na hindi pa ito ang video para sa kanilang prenuptial.

'Yung title niyan, ini-upload ko 'yan sa YouTube channel ko. This is not a prenup video kasi para sa akin, hindi naman talaga siya prenup video eh, dahil so far, wala pa naman kaming plans kung kailan kami ikakasal, dahil mahirap pa rin 'yung sitwasyon natin ngayon, hindi pa siya makapunta sa Philippines," sabi ni Glaiza sa "Mars Pa More."

"Para sa akin, it's a story of how we try to stick together kahit na we're apart. Noong time na pumunta ako sa Ireland, wala naman talagang plano dahil hindi ko naman alam na mae-engaged ako," natatawang sabi ni Glaiza.

 

Ayon kay Glaiza, walang konsepto ang mga Irish ng prenup video, pero mas pangkaraniwan na ito sa Pilipinas.

"Wala silang konsepto ng prenup video, parang nauso lang yata 'yan dito sa atin. And since parang nakita ko ang ganda kasi ng Ireland eh, very scenic."

Nakaugalian na raw nina Glaiza at David na itala ang kanilang mga mensahe sa isa't isa sa kanilang "little notebook."

"And then we ended up telling our story nu'ng time na nagsusulat kami sa isa't isa, 'yung may little notebook kami every time na pupunta siya rito. Bago siya bumalik ng Ireland susulatan ko siya and then babasahin niya 'yun kapag ka nasa plane siya or 'yung mga ganu'ng lugar."

"So very personal 'yan sa amin, 'yung mga excerpts na 'yan from the notebook," saad ng Kapuso actress.

Na-engage si Glaiza sa kaniyang Irish boyfriend Disyembre noong nakaraang taon. —LBG, GMA News