Inihayag ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na handa siyang turuan si Sanya "Yaya Melody" Lopez kung sakaling magdesisyon ang Kapuso star na sumali sa isang pageant. Ang "First Yaya" leading lady, may tugon sa paanyaya ng beauty queen.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing marami ang humihikayat kay Sanya na sumali rin sa beauty pageant at isa na rito si Pia.

Dati nang nagpresenta ang beauty queen na ite-train niya si Sanya kung magdesisyon ang Kapuso actress na sumali sa national pageant.

"Actually gusto ko rin naman i-explore 'yung part na 'yon, 'yung pagiging beauty queen. Kaya lang talaga, sabi ko sa ngayon, maganda 'yung binibigay sa akin ng GMA Network," ani Sanya.

"Marami akong projects na ginagawa sa ngayon dahil sa GMA, eh talagang ang hirap iwanan. So sabi ko naman, kapag pinalad tayo of course at kung doon talaga tayo papunta, tingnan natin, 'di ba?" dagdag niya.

Sa First Yaya, tila beauty pageant na ang nangyayaring patalbugan nina Yaya Melody at Lorraine (Maxine Medina), nang magtagisan naman sila ng kani-kanilang evening gown.

Napansin din ng netizens ang pagkakahawig ni Sanya kay Miss Universe Philippines Rabiya Mateo.

Ayon sa Kapuso actress, flattered naman siya sa pagkumpara sa kaniya sa beauty queen.

Dati na rin silang nagkita sina Sanya at Rabiya sa personal.

"Nagkita kami noon eh kaya kami nagkagulatan noon, parang 'Uy!' Iisa ang reaksyon namin noon, [nagkagulatan] kami talaga. As in pareho kaming nakatitig lang sa isa't isa tapos doon pa lang kami nag-'Hi, Hello,'" kuwento ni Sanya.

Ikinatuwa din ni Sanya ang kabaitang ipinakita sa kaniya ni Rabiya.

"'Hi! Ikaw si Rabiya 'di ba?' Sabi niya 'Yes po Ms. Sanya Lopez,' gumanu'n siya. Sabi ko 'Hi and congratulations.' Ang dami nga raw nagsasabi sa amin na magkamukha kami kaya parang siya nagulat din noong nagkita kami," sabi ni Sanya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News