Mula sa pagiging basketball player at "Eat Bulaga!" Dabarkads, isa na ring vlogger si Jimmy Santos.

Sa "Unang Hirit" nitong Miyerkules, ibinahagi ni Jimmy ang kaniyang adventures sa Clark, Pampanga, kung saan doon niya shinu-shoot ang ilan sa kaniyang entry na "Jimmy Saints."

"Shine-share ko lang 'yung kaunting kaalaman ko at naikukuwento rin sa akin 'yung tungkol dito sa Pampanga, 'yung history," saad ng komedyante.

Pagba-vlog ngayon ang kinahihiligan ni Jimmy.

"Ang pagba-vlog, hindi basta ganu'n lang eh. Kailangan meron ding sense na kailangang kapulutan ng aral. Alam mo naman ang kaalaman, walang katapusan," sabi niya.

Isa sa kaniyang video ang pagbisita niya sa Bundok ng Porac kung saan siya nakipag-bonding at nakisayaw sa mga katutubong Aeta.

 

Bumida si Jimmy sa mga pelikulang "Bondying" at "I Love You Three Times a Day," kung saan ito na rin ang kaniyang naging catchphrase.

Naging bahagi naman si Jimmy ng Eat Bulaga! noong 1980s.

Mayroong halos 200,000 subscribers si Jimmy sa kaniyang "Jimmy Saints" YouTube channel. —LBG, GMA News