Nagkasamang muli sa California sina Ruby Rodriguez at Lovi Poe, na gumaganap na mag-ina sa Kapuso series na "Owe My Love."

Ginampanan ni Ruby sa naturang serye ang role ng mapagmahal na ina at asawa na si Nanay Coring, habang mabait na anak naman niya si Sensen, na ginampanan ni Lovi.

Sa Instagram nitong Biyernes, ipinost ni Ruby ang larawan nila ni Lovi habang nasa Koreatown sa Los Angeles.

"Nanay Coring and Sensen. I'm so happy to see you, Lovi Poe. 'Owe my Love sa Cali.' Thank you so much," saad ni Ruby sa caption.

 

 

Ibinahagi rin ni Lovi ang masayang larawan nila ni Ruby sa kaniyang sa Instagram stories.

"Sensen and Nanay Coring in Sunny  California," anang aktres.

Nakabase na ngayon si Ruby sa America para masuportahan ang pagpapagamot sa kaniyang anak na may "rare autoimmune disease." —FRJ, GMA News