Sa programang "Mars Pa More," sinabi ng host na si Camille Prats na lumaki siya na lagi siyang sinasabihan na kamukha siya ni Kim Delos Santos. Sang-ayon naman dito ang huli at ikinuwento ang isang insidente na larawan ni Camille ang inilagay sa kaniyang interview.

Ayon kay Camille, marami silang pagkakahawig ni Kim tulad sa ayos sa buhok. Gayunman, hindi raw sila nagkaroon ng pagkakataon noon na magkita nang personal dahil sa magkaiba sila ng TV network.

Sinabi naman ni Kim, naninirahan na ngayon sa Amerika, na natuwa siya nang malaman niyang kasama si Camille sa kaniyang guesting sa "Mars Pa More."

“This is the first time talaga na nagkasama tayo. So, I was excited nung sinabing si Camille,” saad ni Kim.

Ikinuwento rin ni Kim na mayroon siyang interview noon na lumabas sa pahayagan pero larawan ni Camille ang inilagay.

“I have a picture in the paper na mukha mo noong bata ka and it was my interview. Tapos sabi ko, 'Alam n'yo bang si Camille 'yung nilagay n'yo diyan at hindi ako 'yan?,'" natatawang sabi ni Kim.

“Maybe we have the same eyes. But every single time they always tell me. 'You look like Kim Delos Santos,'" ayon kay Camille.

Napag-alaman na 11 taon nang nagtatrabaho sa Amerika si Kim bilang dialysis assistant.

Aminado rin si Kim na nami-miss ang showbiz kaya natuwa siya na naimbitihan siya sa programa.--FRJ, GMA News