Sa pinakabagong vlog ng Kapuso couple, hindi inasahan ni Jak Roberto na tatanungin siya ng nobyang si Barbie Forteza kung magagawa niyang matukso sa ibang babae kapag matagal silang hindi nagkita o nagkatampuhan.

Sa naturang vlog na mapapanood sa Youtube channel ni Jak, masayang sinagot ng magkasintahan ang mga tanong nila sa isa't isat, at maging ang ilang tanong ng fans.

Napag-usapan ang tungkol sa kanilang mga pamilya at maging ang plano sana nilang bakasyon sa Iceland na hindi natuloy dahil sa pandemic.

Nang matanong tungkol sa kasal, sinabi ni Jak na handang-handa siyang magpakasal.

"Oo naman, sino bang hihindi?," anang aktor.

"Kahit pa anong wedding 'yan, kahit na simple lang, kahit na enggrande or kahit saan," patuloy niya

Inihayag din ni Jak na kailangan pa rin paghandaan at pag-isipan ang kasal dahil isang kasunduan ang kasal na hindi na magagawang sirain pa.

"Una, walang divorce dito sa Pilipinas," sambit ni Jak.

Natatawa namang pinuna ni Barbie ang nobyo kung bakit nasa divorce na si Jak gayung planong pagpapakasal pa lang pinag-uusapan.

"Nandun pa lang tayo sa 'do you want to get married someday?' Nasa divorce na siya," natatawang sabi ni Barbie.

Dito na binanggit ni Jak ang kasabihan ng mga matatanda na hindi "kaning mainit ang kasal na puwedeng iluwa kapag napaso."

Isiningit din ni Jak sa usapan ang tungkol sa pre-nup na may kasamang biro na dahilan muli para matawa si Barbie.

"At saka, siyempre, may pre-nup [agreement] kayo niyan. Yung hatian ng kayamanan n'yo, iisipin n'yo na 'yun," ayon kay Jak.

"E, ako naman, kahit mas mayaman ako kay madam [tawag niya kay Barbie],willing naman akong iano 'yon," biro ng aktor sa nobya na tawa lang nang tawa.

Ayon naman sa aktres, ang mahalaga sa kaniya ay maikasal kahit simple lang basta kasama ang pamilya at malalapit na kaibigan at kaanak.

"Basta sabi ko sa kanya, hindi naman importante sa akin kung papaano kami ikakasal, ang importante lang, makasal kami para lang mas secure kami," anang aktres.

"[Yung matawag lang na] Mr and Mrs... wow!," nakangiting sabol ni Barbie.

Pero bago matapos ang video, naghabol pa ng tanong sa isa't isa ang dalawa tungkol sa pinaka-ayaw nilang gawin sa kanila ng karelasyon.

Dito binanggit ni Barbie na hindi dapat sirain ng kaniyang karelasyon ang kaniyang tiwala.

"Kasi 'yon yung hirap na hirap akong ibigay kahit sa pinaka-close kong tao. Kahit sa sarili ko nga hindi ko maibigay," seryosong sabi ng aktres.

"Very big deal sa akin yung trust," patuloy niya.

Si Jak naman, sinabing ayaw niya na sinusumbatan siya.

Pero hindi naman daw ito ginagawa sa kaniya ni Barbie.

Naging makulit din ang pahabol na tanong ni Barbie kay Jak kung may pagkakataon ba na matukso sa iba ang nobyo kapag hindi sila nagkikita o medyo nagkakatroblema sila.

"Bakit mo tinatanong 'yan," may pagkaseryosong balik na tanong ni Jak sa nobya.

"O, di ba, mas natural ang reaksiyon mo," natatawang sabi ni Barbie.

Dito na napag-usapan ang pagkakataon na matagal silang hindi nagkita dahil sa lock-in taping.

Pero sabi ni Jak, hindi siya matutukso sa iba.

"Ikaw lang," sabi ni Jak kay Barbie at binanggit pang buong araw silang magkausap nang naka-lock in taping siya.

Pero ibinalik ni Jak ang tanong kay Barbie. Alamin naman ang sagot ng aktres sa video. Panoorin.

--FRJ, GMA News