Sa GMA 7 mapapanood ang two-hour online concert ni Sarah Geronimo na "Tala: The Film Concert."
Mapapanood ang pinag-usapang digital concert ng Asia's Popstar Royalty sa July 18, Linggo, sa ganap na 4:35 p.m., pagkatapos ng 'Dear Uge' sa GMA-7.
Sa ulat ng GMANetwork, sinabing naging malaking pasubok sa production team ang naturang digital concert na ginawa sa panahon ng COVID-19 pandemic.
"The first challenge talaga in making this concert is to convince everybody that we can actually mount a concert like this. Siyempre, it's gonna be a challenge for all of us kung paano natin gagawin 'yun kaya naman we did our best, we did our research," ayon kay concert director and creative producer Paul Alexei Basinillo.
"Tiningnan namin 'yung mga foreign productions, 'yung mga ibang ginagawa ng mga artists both locally and internationally," patuloy niya.
Unang pasabog ni Sarah sa concert ang "Sa Iyo," at sinundan ng "Kilometro."
May sariling bersiyon din siya ng mga foreign hits na "Blinding Lights,""Levitating," "Break My Heart," at "Dynamite" ng BTS.
Nagsilbi namang special guest sa concert ang Hale's vocalist na si Champ Lui Pio at mister niyang si Matteo Guidicelli.
Aabangan din ang performance ni Sarah sa pag-awit niya ng "Ikot-ikot" at smash hit na "Tala."
Panoorin ang pasilip sa inaabangang TV debut ng concert.--FRJ, GMA News