Inihayag ni Sanya Lopez ang kilig na nakaramdam sa kissing scene nila ng kaniyang leading man at matagal nang crush na si Gabby Concepcion para sa "First Yaya."

Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Sanya na kung papipiliin siya kung sino ang gusto niyang pagsilbihan, pipiliin niya si Gabby dahil sa pag-aasikaso sa kanila ng cast ng "First Yaya" nang magpunta sila sa rest house nito sa Batangas.

"Siguro kasi nakita ko kung paano niya kami alagaan noong nagpunta kami sa Batangas. So grabe siya, hindi ka niya pababayaan talaga. Every day yata kailangan niyang mamalengke, as in palengke talaga pupuntahan niya tapos ipamimili ka niya tapos ipagluluto ka rin niya," kuwento ni Sanya.

Matatandaang nagtapos ang "First Yaya" sa kasal nina Yaya Melody, karakter ni Sanya, at President Glenn Acosta, karakter ni Gabby.

Napanood din ito ng ina ni Sanya.

"Ang una niyang tanong sa akin, 'Kayo na ba?' Sabi ko 'Ma? Wait lang 'Ma!' Kasi ako dati sobrang crush na crush ko na talaga si Gabby Concepcion. Sabi niya sa akin 'So ano ang feeling na na-kiss ka ni Gabby?' Sabi ko 'Mommy nakakakilig until now,' sabi kong ganoon sa kaniya," ani Sanya.

Paliwanag ni Sanya, may paggalang si Gabby sa mga babaeng kaniyang nagiging leading lady.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Sanya ang kaniyang sweet photo kasama si Gabby by the beach.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Sanya Lopez (@sanyalopez)

 


--FRJ, GMA News