Hot topic ngayon sa netizens ang bagong social media couple na sina Whamos Cruz at Antonette Gail del Rosario, o mas kilala bilang "Whamonette." Pero bakit nga ba mayroong nagdududa sa kanilang relasyon.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagkakilala sina Whamos at Antonette, nang minsang gayahin ng dalaga ng dance challenge sa Tiktok ni Whamos.

Napansin naman ito ni Whamos at doon na nagsimula ang madalas na dance collab nilang dalawa, na nauwi sa panliligaw ni Whamos kay Antonette.

At matapos ang tatlong buwan na panliligaw ni Whamos kay Antonette sa social media, nagpa-swab test ang una para puntahan sa kanilang bahay ang dalaga.

Doon na personal na tinanong ni Whamos si Antonette kung puwedeng sila na, at hindi siya nabigo.

Ayon kay Antonette, ang ngiti ni Whamos ang nagustuhan niya at hindi siya tumitingin sa panlabas na anyo.

Sinabi rin nila na kung ano ang nakikita ng netizens tungkol sa kanila sa social media at ganoon din sila sa tunay na buhay.

Pero ano kaya ang masasabi ng mga magulang nina Whamos at Antonette sa kanilang relasyon? Panoorin ang buong episode sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News