Nang pumanaw si Mahal sa Batangas dahil sa komplikasyon sa COVID-19, ang kaibigan nito na si Mygz Molino ang kaniyang kasama. Ang mga kapatid ng komedyante, may nilinaw tungkol sa kanilang saloobin kay Mygz.

Sa panayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento nina Lani at Jason Tesorero, ang mga mami-miss nila sa pagkawala ng kanilang ate Mahal.

Anila, matulungin, mapagmahal at sadyang masayahin talaga si Mahal.

Hahanap-hanapin daw ni Jason ang natatanging bungisngis ni Mahal, habang mami-miss ni Lani kung paano itinuring ng kaniyang ate na anak ang kaniyang mga anak.

Ayon kay Jason, habang nasa Batangas, ikinuwento sa kanila ni Mygz at manager ng komedyante na mayroon lang ubo at sipon ang kanilang kapatid.

Tiniyak din daw sa kanila ni Mahal na ok siya.

Pero pagkalipas ng tatlong araw, lumalala ang kalagayan ni Mahal at dinala na siya sa ospital.

Doon na tuluyang nahirapang huminga si Mahal at pumanaw.

Ayon kay Lani, kaagad siyang nagtungo sa Batangas sa pag-asang makita pa ang kapatid at aabutan nang buhay pero hindi na ito nangyari.

Hindi man lang daw niya nayakap sa huling pagkakataon ang kapatid.

Ikinuwento rin ng mga kapatid ni Mahal na may problema sa sipon si Mahal mula pa noong bata na hindi niya naisisinga.

Paliwanag ni Jason, sinisinghot lang ni Mahal ang plema kapag nagkakasipon at saka idudura para mailabas.

Pero nang magkasakit sa Batangas, naipon umano ang plema sa tiyan ni Mahal at nagdulot ng pagdurugo sa bituka.

Dobleng sakit para sa pamilya ang nangyari dahil kamamatay din lang ng kanilang ama noong Agosto dahil din sa komplikasyon sa COVID-19.

Ang iniisip na lang ng magkakapatid ay tanggapin na magkasama na ng kanilang ama at si Mahal.

Kasabay nito, inihayag ng mga kapatid ni Mahal ang pasasalamat nila kay Mygz dahil sa ginawang pag-aruga sa kanilang kapatid.

"Matagal na po namin siyang kilala, may tiwala kami sa kanila," ani Jason. "Thankful din kami sa kanila hanggang sa huling hininga ni Mahal inalala nila kung paano gagawin ang lahat para maisalba yung buhay ni Mahal."

Ayon sa magkapatid, pagsasamahin nila ang abo ni Mahal at ang abo ng kanilang ama na nasa bahay pa.

Inimbitahan din sa programa si Mygz para sa panayam pero hindi pa raw siya handa.--FRJ, GMA News