Inihayag ni Stephan Estopia na seloso siyang boyfriend kay Kiray Celis. May komento naman ang aktres tungkol dito.

"Kahit maliit na bagay, itatanong ko na sa kaniya, kahit wala namang ikaka-stress levels. Itatanong ko kung 'Sino 'to? Sino 'to?'" sabi ni Stephan sa The Boobay and Tekla Show.

"Parang tanga," birong komento naman ni Kiray tungkol kay Stephan.

"Kasi medyo OA. 'Sino 'to? Sino 'to?' Puro sino 'to? Eh minsan naman hindi ko naman kakilala. At saka kasi alam 'yan ni Buboy [Villar]. Sa work namin ganu'n ako ka-friendly, lalaki, babae, kaibigan ko lahat," paliwanag ni Kiray.

Kaya tulad ng ibang magkarelasyon, nililinaw din ni Kiray sa kaniyang nobyo na mga kaibigan niya lang ang mga nagmemensahe sa kaniya.

"Kaya in-explain ko sa kaniya, 'Puro friends lang naman.' 'Kaibigan ko 'yun, kaibigan ko 'yun,'" anang Kapuso comedian.

Gayunman, ikinuwento rin ni Kiray na ibinigay ni Stephan ang lahat ng password ng cellphone nito sa kaniya, dahil na rin sa pagtitiwala nila sa isa't isa.

"Kasi siya, lahat binibigay niya, lahat ng password niya. Ako na lang ang tamad na mag-open," ani Kiray.

"Ganu'n 'yung tiwala namin sa isa't isa talaga. 'Pag may trust ka talaga sa taong mahal mo, wala kang iisipin na masama," dagdag ni Kiray.

Hiningian naman ni Boobay si Stephan ng komento hinggil sa ilang tao na nagsasabing maaari pa raw makahanap si Stephan ng babaeng "mas maganda, mas matangkad at mas sexy."

"Sa mga basher po, hindi ko na rin po sila pinagpapapansin talaga kasi wala naman akong mapapala sa kanila eh. Ang importante nagmamahalan kami," sagot ni Stephan. -NB, GMA News