Nagkagulatan ang mga bida sa isang eksena sa afternoon series na "Nagbabagang Luha" nang hindi nila inaasahan na isang malakas na backhand slap ang pakakawalan ng premyadong actress-director na si Gina Alajar na dumapo sa pisngi ng newbie actress na si Claire Castro.

Naging trending at pinag-usapan online ang naturang eksena matapos na umabot sa milyon-milyon ang views nito sa Facebook, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."

Sa naturang episode, makikita sa reaksyon ni Claire ang pagkagulat sa dumapong sampal mula kay Gina.

"Actually lahat po kami nagulat eh, kasi ang alam namin na gagawin ni direk is haharap pa tapos sasampal. Lahat kami, as in kahit nakita niyo po 'yung reaksyon ni Ate Glai (Glaiza de Castro), napaganu'n (takip ng bibig) po talaga siya eh," sabi ni Claire.

Ipinaliwanag naman ni Gina kung bakit naisipan niya ang naturang uri ng pagsampal na hindi karaniwang ginagawa sa mga eksena.

"Sabi ko kay Direk Ricky (Davao), sinuggest ko na imbes na pagkaharap ko sampalin ko siya nito (kaliwang kamay), since nandito na ito (kanang kamay), i-backhand ko na siya," paliwanag ni Gina.

"Meron nakapagsabi sa akin nu'n, kapag sinampal ka raw ng patalikod, 'yung backhand, it's very humiliating," dagdag pa ng actress-director.

Matapos ang matinding sampalan, isinubsob pa ni Gina si Claire sa cake at binuhusan ng mga kung anu-ano.

"Siguro po halos 40 minutes akong naligo after nu'n. Kasi po 'yung sa hair ko ayaw pong matanggal, sa ears ko po ang dami. Pero ang saya po ng scene na 'yun for me kasi lahat po ng mga pinagdadaanan ko sa personal life ko nalabas ko po du'n by crying," ayon naman kay Claire.

Pero matapos ang naturang eksena, sinabi ni Claire na humingi ng paumanhin sa kaniya si Gina at mas lalo pang lumambing sa kaniya.

Sambit naman ni Gina, niyakap niya nang mahigpit si Claire matapos ang naturang eksena.

"After the sampal, I really hugged her so tight and said 'I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry na gano'n. Kasi talagang napalakas 'yung sampal ko. Tapos sabi niya, 'No, it's OK po, I can take it.' Napakabait naman nu'ng batang 'yun," sabi ni Gina.

Sa Instagram, ibinahagi ni Glaiza na maging sila nina Mike Tan at Rayver Cruz ay nagulat, pero kailangan nilang manatiling in character.

 

 

"Yung nagulat din kami nila @imiketan at @rayvercruz sa nangyari sa eksena pero kailangang mag stay in character," caption ni Glaiza.

"Sa totoo lang, isa ito sa mga pinaka masakit na eksenang ginawa namin. Sobrang awang awa kami kay @clairevcastro, pero kailangan matuto ni Cielo [laughing emoji] As always sarap ka eksena ni Direk @ginalajar" dagdag ni Glaiza.

--FRJ, GMA News