Hindi naitago ni Barbie Forteza ang kaniyang kilig matapos bumili si Jak Roberto ng bahay bilang paghahanda sa kanilang future.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing bagama't kinikilig ang aktres, ayaw pa itong isipin ni Barbie.

Sinabi ni Barbie na hindi pa niya nakikita ang property na binili ng kaniyang nobyo hanggang ngayon.

"Hindi ko pa napupuntahan, sayang. Pero malapit lang naman dito sa akin," sabi ni Barbie.

"Basta for now I am so happy for him sa achievements niya, with his show doing so good right now and ngayon sa kaniyang personal life, inaasikaso niya na rin talaga 'yung kaniyang long term. And I am really happy for him and alam niya naman na talagang all-out support ako sa kaniya," dagdag ng aktres.

Bago nito, nagpaliwanag si Barbie kung bakit hindi sila nakapagpo-post ni Jak ng mga bagong content para sa kanilang vlog.

"Minsan nga parang medyo nakokonsensiya na kami kapag wala kaming updates ni Jak," sabi ni Barbie sa panayam sa kaniya sa Unang Hirit. "Pero kasi nga, hindi rin kami magkasama ngayon, medyo busy kaming dalawa [sa projects]."

Pero ayon kay Barbie, plano nilang pumunta ni Jak sa Chicago para bisitahin ang kaniyang kapatid.

"Plano talaga naming pumunta sa kapatid ko sa Chicago. Kasi marami kaming gustong gawin doon," anang Kapuso actress. – Jamil Santos/RC, GMA News