Inihayag ni Kelvin Miranda na crush niya ang gumaganap bilang si Jamie Robinson sa "Voltes V: Legacy" na si Ysabel Ortega, at gusto niya itong maging leading lady.

Sa renewal ng kaniyang kontrata sa GMA Artist Center, may ngiting binanggit ni Kelvin ang pangalan ni Ysabel nang tanungin siya ng press sa online interview kung sino sa Kapuso leading ladies ang gusto niyang makapareha.

“Gusto ko lang siya maka-partner. Wala, crush ko kasi siya,” sabi ni Kelvin sa GMA News Online.

“Nagagandahan ako sa kaniya saka hinahangaan ko siya sa personality niya,” dagdag pa ni Kelvin. “'Di pa kami nagkakasama. Medyo weird nga ba’t ako nagkaka-crush sa kaniya pero isa 'yung personality ni Ysabel siguro. 'Di ko pa siya masyadong kilala pero crush ko siya.”

Bukod sa hanga siya sa ganda ng aktres, sinabi ni Kelvin na bilib din siya sa acting at pagkanta ni Ysabel.

Ni-renew ni Kelvin ang kaniyang kontrata noong ika-18 ng Nobyembre.

Naging leading lady na ni Kelvin sina Mikee Quintos, at Beauty Gonzalez sa "The Lost Recipe" at "Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette." —LBG, GMA News