Damang-dama na ang Pasko at makikita rin sa Christmas decorations ng ilang Kapuso star sa kani-kanilang mga tahanan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita ang agaw-pansing bahay ni Paolo Ballesteros na nagmukhang regalo nang disenyohan niya ito ng gold ribbon at pinalibutan pa ng Christmas lights.

Pagpasok naman sa loob ng kaniyang bahay, babati sa mga bisita ang life-sized nutcrackers.

Ginawa ring inverted ni Paolo ang kaniyang Christmas tree para magkaroon pa ng mas maraming espasyo para sa Christmas gifts.

Ipinakita naman ni Carmina Villaroel sa kaniyang vlog ang pagiging hands on sa pagdidisenyo ng kanilang tahanan.

Pinuno ni Carmina ng Christmas ornaments ang bawat sulok ng kanilang bahay.

Pretty in pink naman ang tema ni Gabbi Garcia, at nag-compliment ang silver at crystal-white balls sa classy overall look ng kaniyang Christmas decors.

Muling ginamit ni Gabbi ang preserved at dried flowers na ni-recyle sa kaniyang Christmas tree mula pa noong nakaraang taon.

Nakahanda na mula pa Oktubre sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa setup ng kanilang Christmas tree, na classy greens in mint at emerald at may accent ng rose gold.

Binalutan din ang mga regalo gamit ang velvet cloth at gold ribbons sa tulong ng event stylist na si Gideon Hermosa.

Romantic Christmas naman ang tema ng mga dekorasyon ni Bea Alonzo, na tatlong Christmas tree ang itinayo nitong taon.

Nilagyan din niya ito ng dried flowers para sustainable at maaari niyang ipamigay pagkatapos ng Pasko.

Gumawa rin si Bea ng tutorial ng paggawa ng Christmas wreath.

Dama na rin ang Christmas sa tahanan ng Dantes squad.

Makikita sa Instagram ni Marian na kita ang Christmas tree na napapalamutian ng red at white na Christmas balls.

Mayroon ding flowers at teddy bears na idinisenyo ng celebrity stylist na si Teddy Manuel.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News