Inihayag ni Alwyn Uytingco kung ano ang ugali ni Jennica Garcia na kaniyang natuklasan nang maging mag-asawa na sila, at pinatotohanan naman ito ni Camille Prats.

Naging bisita sa programang "Mars Pa More" ang mag-asawa at sumalang sa segment na "Tough-patan!," kung saan nagpalitan sila ng mga tanong sa isa't isa.

Unang tinanong ni Alwyn si Jennica kung magkano ang ibabahagi sa kaniya kung sakaling mayroong P1 milyon ang aktres.

Mabilis na sumagot si Jennica ng, "10 percent!"

Pero nilinaw ni Alwyn na hindi talaga 'yon ang tunay na tanong, dahil ang tunay na tanong ay kung saan niya ilalagay ang P1 milyon.

Natatawa namang sinabi ni Jennica na nagbibiro lang siya at nagpapatawa sa sagot niyang "10 percent."

Katunayan, inamin ni Jennica na hindi siya mahusay pagdating sa pinansiyal na usapan kaya ipagkakatiwala raw niya ang pera kay Alwyn dahil batid niya na gagabayan ito ng Diyos sa tamang paglalaanan ng pera.

Matapos nito, si Jennica naman ang nagtanong kay Alwyn. Dahil malapit na silang magdiwang ng ika-12 taon ng pagsasama, nais malaman ng aktres kung ano ang ugali niya na nalaman lang ng aktor nang maging mag-asawa na sila.

"Matakaw ka," sabi ni Alwyn kay Jennica.

Natawa si Jennica at maging ang mga host ng programa na sina Camille at Kuya Kim Atienza, sa sinabi ni Alwyn dahil maliit lang ang pangangatawan ni Jennica.

Nagbiro pa si Kuya Kim na, "Yang 'taba' mo na 'yan, matakaw ka pa niyan?"

Pinatotohanan naman ni Camille ang sinabi ni Alwyn, "I can attest to that. Nagbabaon pa siya ng sariling lutuan."

Sa pagpapatuloy ng kanilang tanungan, tinanong naman ni Alwyn ang asawa kung gusto pa ba nito na dagdagan ang kanilang dalawang anak.

Samantalang tinanong naman ni Jennica ang mister kung papayag na itong magpa-vasectomy? Ano kaya ang kanilang mga sagot? Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News