Pinatunayan ni Marc Pingris na mayroon siyang isang salita matapos na tuparin ang pangako niyang tatakbo siya sa kanilang village nang naka-bra kaugnay sa pagsabak ng mga Pinoy sa Mobile Legends: Bang Bang M3 World Championship.

Kilala si Marc na isang avid gamer, na nagsabi na handa siyang tumakbo nang naka-bra sa kanilang village basta ipanalo lang ng mga Pinoy ang laban.

Dalawang araw matapos na masungkit ng mga Pinoy na miyembro ng Blacklist International ang torneo, tinupad ni Marc ang kaniyang sinabi at ipinost niya ang video sa Facebook.

"At ito na nga... dahil nanalo kayo at nag-promise ako ito na tinupad ko na. Tumakbo ako sa village namin kanina na kakaiba ang suot," sabi ng dating PBA superstar at miyembro ng Gilas Pilipinas.

"Katuwaan lang 'to guys. Proud lang talaga tyo sa naabot ng team nila," ayon kay Marc.

Sa video, makikita na suot ni Marc ang itim na may flower designs. Pero kanino kaya iyon?

"Bagong bra yan ni Manang! Di pa nasuot ayaw ako pahiramin ni Danica Sotto-Pingris kung ano ano raw trip ko hehehe," ayon kay Marc.

"Shoutout sa misis ko, sorry baby pero kailangan kong gawin 'to," sabi pa ni Marc matapos batiin ang Blacklist International.—FRJ, GMA News