Hindi napigilang maluha ni Mariane Osabel matapos marinig sa kaniyang kuya na siya ang tumupad ng pangarap nito na maging "The Clash" Grand Champion.

"Yan! You finally made it! After storming heaven with prayers, andito na 'yung sagot ni Lord. You made all of us proud but most of all, you made me proud," mensahe ng kaniyang Kuya Arne Osabel kay Mariane, na binasa ng "Mars Pa More" hosts na sina Camille Prats at Kuya Kim Atienza.

"You know Yan, noong nag-uumpisa pa lang ang The Clash, grabe ang iyak namin ni Ate Abby tuwing nagdadasal kami dahil ganoon na lang ang aming panalangin na manalo ka," saad pa ni Kuya Arne sa liham.

Ayon kay Kuya Arne, pangarap niyang manalo sa isang singing competition, pero masaya siyang ang kapatid na si Mariane ang tumupad nito.

"If ate Joy donated one of her kidneys to me, you fulfilled the dream that I would have wanted for myself that our family can be proud of. Pero mas sobra pa ang happiness na 'yun kasi hindi para sa akin but para sa aming dear bunso," anang kuya ni Mariane.

Bukod dito, may sorpresa pa sa "The Clash" Season 4 Grand Champion ang kaniyang kuya, na nakapanayam din sa programa.

"I'm so proud of her. Parang nadoble kasi both of us are experiencing that achievement, so parang two in one ang ibinigay ni Lord," sabi ni Kuya Arne.

"Kasi I love my sister so much. Siya 'yung parang bunso namin. Ang taas ng agwat ng age namin, parang anak ko na rin siya eh."

Hiling ni Kuya Arne para kay Mariane: "I would want Mariane to be the best version of herself. At this point in her life dapat na mag-ingat siya sa bad influences. I want her to be a good example to other youth, especially nowadays, we need good role models para sa mga kabataan."

Hindi pa raw makapaniwala si Mariane na siya ang itinanghal na Grand Champion sa naturang Kapuso singing competition.

Para sa kaniyang final piece, inawit ni Mariane ang kantang “Bakit Mahal Pa Rin Kita” samantalang inawit ng katunggali niyang si Vilmark Viray ang “Umuwi Ka Na.”

Bilang Grand Champion, makatatanggap si Mariane ng higit P4-milyon papremyo, kabilang ang P1 milyong cash, house and lot, at exclusive management contract sa GMA-7.  —LBG, GMA News