Inihayag ni Joey Marquez na gusto niyang alagaan ang kaniyang magiging apo na ipinagbubuntis ngayon ng anak niyang si Winwyn Marquez.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing excited nang maging lolo si Joey.

"Sinabi ko sa kaniya, kapag nagkaroon siya... ang deal namin ako ang mag-aalaga. So she can go back to work," ani Joey, na naging masaya ang pagdiriwang ng holidays season kasama ang pamilya.

Inanunsyo ni Winwyn kamakailan ang kaniyang pagbubuntis sa YouTube channel, kung saan makikita ang naging reaksyon ni Joey.

"Okay nga eh!" maluha-luhang sabi ni Joey kay Winwyn nang makita ang resulta ng kaniyang pregnancy test.

Ibinahagi rin ni Winwyn ang magandang balita sa nakaraang press con ng pelikula niyang Nelia, na kasama sa Metro Manila Film Festival.

Kinumpirma ng Kapuso actress na 21 weeks na ang baby sa kaniyang sinapupunan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News