Hindi pa raw makapaniwala si Mariane Osabel na siya ang itinanghal na Grand Champion sa Kapuso singing competition na "The Clash 2021."

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV Balitang Amianan, sinabing nakatunggali ni Mariane, na tubong Iligan City, ang "kulot crooner" na si Vilmark Viray ng Pampanga.

Matindi ang labanan ng dalawa hanggang sa itanghal na kampeon si Mariane.

"Para akong nananaginip, hindi pa po nagsi-sink in. Sobra- sobrang hindi ko po ma-explain 'yung nararamdaman ko right now. Pero grabe po, sobrang grateful po talaga sa Panginoon," sabi ni Mariane sa isang pahayag.

Sa kaniyang huling piyesa, kinanta ni Mariane ang “Bakit Mahal Pa Rin Kita” samantalang inawit naman ni Vilmark ang “Umuwi Ka Na.”

--Jamil Santos/FRJ, GMA News