Naihalintulad ng beauty queen-turned-actress na si Ariella Arida, sa sahig na makintab pero madulas ang kaniyang love life.

Sa programang "Mars Pa More," sumabak si Ariella sa segment na "Grab-A-Box," kung saan nakakuha siya ng floor wax na nagagawang pakintabin pero nagiging madulas ang sahig.

Kasama na napiling kahon ni Ariella ang tanong kung kailan nadulas sa pag-ibig ang Miss Universe Philippines 2013.

Natatawang inamin ni Ariella na madalas siyang nadudulas sa pag-ibig.

"Parang kapag umibig naman ako lagi akong nadudulas," natatawa niyang sabi.

Dinugtungan ng "Mars Pa More" host na si Kuya Kim Atienza kung anong uri nang pagkakadulas ang karanasan ni Ariella kung sa maganda ba o hindi na paraan.

"Yung unang dulas talaga 'yon yung magandang paraan. In love eh," masaya niyang pag-amin. "Minsan yung [ibang] dulas natutuluyan na... talagang higa na. Kailangang bumangon."

Ang isa pang bisita na si Andrew Gan, feather duster naman ang nakuha.

Karugtong na tanong sa kaniya kung ano ang inaalikabok na hidden talent niya na dapat na niyang ilabas.

"Siguro ang pagluluto," sabi ni Andrew. "Hindi ba sinabi nila na hindi tayo dapat napapagod, hindi tayo dapat tumigil [na matuto]."

Samantala, may ibinahagi rin si Mars Iya Villania tungkol sa joy ride nila ng mister na si Drew Arellano, na sadya raw nilang plinano upang magkaroon sila ng time sa isa't isa.

Alamin kung saan sila nagpunta at kung bakit kinilig si Iya sa pagkukuwento. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News