Magkasamang ipinagdiwang nina Barbie Forteza at Jak Roberto ang pagsalubong sa bagong taon sa pamilya ng aktres.

Makikita pa nga ito sa vlog ni Jak nang magpunta siya sa bahay nina Barbie at doon magdiwang ng bagong taon.

Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Barbie na miyembro na ng pamilya ang turing kay Jak ng kaniyang mga kaanak.

Kaya naman hindi na raw nila masyadong pinag-uusapan kung saan sila magse-celebrate ng holidays season.

"Ang secure na namin sa isa't isa e, so hindi na tanong kung, 'Ano magkasama pa ba tayong magpapasko?' Hindi na, matic na, e," ayon kay Barbie, na kasama sa Kapuso series na "Mano Po Legacy: The Family Fortune."

Dagdag pa ng aktres, "very at home" at "very comfortable" na si Jak sa kaniyang pamilya.

"Kitang-kita ko na very at home siya and very comfortable na siya around my family -- both with my parents and even my relatives," sabi pa ni Barbie.

Inihayag ni Barbie na nag-mature na ang relasyon nila ni Jak na nagsimula noong 2017.

"The way we handle our relationship is very mature, practical, very chill, like super chill lang hindi na namin masyadong bini-big deal kung magkasama kami or hindi as long as tuloy-tuloy yung pag-uusap namin, yung communication namin," paliwanag niya.

--FRJ, GMA News