Naka-self-isolate sa kaniyang bahay ang buntis na si Winwyn Marquez sa harap ng mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa Instagram post nitong Miyerkules, makikita sa larawan ang actress-beauty queen na nasa isang kuwarto na may air purifier, habang nakahiga siya sa kama.

“It's hard and scary,” saad niya sa caption. “Nakakapagod pero laban lang and stay optimistic. I pray hindi lahat maka-experience nito and sa mga tinamaan ay sana lahat gumaling na."

Hindi binanggit ni Winwyn kung nagpositibo ba siya sa COVID-19 o may nakasalamuha siyang nagpositibo sa virus.

 

 

Gayunman, hinikayat niya ang publiko na sumunod sa health protocols at mag-ingat.

“Lagi ko nga sinasabi sa sarili ko na all will be well and after nito mabibigyan lalo natin ng importance yung mga bagay na dati ay binabalewala lang,” anang aktres.

“Get vaccinated, drink your vitamins, mag mask, safely distance yourself from others, test agad at mag isolate pag may naramdaman and contact agad ng fam and ng doctor niyo,” dagdag niya.

Kamakailan lang nang ibahagi ni Winwyn na buntis siya sa unang baby nila ng kaniyang non-showbiz partner.

Una rito, naka-isolate din sa bahay ang buntis din na si Iya Villania na nagpositibo sa COVID-19. --FRJ, GMA News