Sa programang "Mars Pa More," inihayag ni Kuya Kim Atienza na hindi siya pabor sa "live in" batay na rin sa naging karanasan niya noon.

Sa isang segment ng programa, may pinapuputok na lobo ang mga guest at host, at may laman na tanong ang bawat lobo na dapat sagutin.

Ang napuntang tanong kay Kuya Kim ay ano ang isang pinaka-nakakalokang bagay na ginawa niya for the love at pinagsisihan niya sa huli?

Dito na sinabi ni Kuya Kim na nakipag-live in siya noon at pinagsisihan niya ito.

"Unang-una hindi maganda sa mata ng Diyos. At pangalawa, masyado kaming nagkakilanlan nang maaga na nawala...," saad ng tv host dahil hindi niya nakatuluyan ang dating karelasyon.

"Hindi kasi ako naniniwala sa trial and error sa pag-ibig. Ano 'yan it's a choice. You choose, after you chose kahit may error, aayusin mo 'yan," paliwanag niya.

Sinabi naman ng co-host na si Iya Villania na magandang paalala sa mga bagong henerasyon ang paliwanag ni Kuya Kim tungkol sa relasyon ng pagiging live in.

"Yung pag-iisip ng mga kabataan ngayon medyo liberated na masyado and a lot of them actually considering living in," saad ni Iya, na maaaring kapulutan ng aral ang ibinahagi ni Kuya Kim.

Dugtong naman ni Mars Camille Prats, "And from someone na na-experience 'yon at na-realized niya yung hindi magandang resulta nun."

--FRJ, GMA News