Dahil sa "work from home" ang ginagawa ngayon ni Vic Sotto sa "Eat Bulaga," lagi niyang kasama sa bahay ang anak na si Tali, at marami siyang nadidiskubre sa bata.

Sa "Chika Minute" ni Nelson Canlas, sinabi ni Bossing Vic na ang pinakabagong nadiskubre niya sa energetic na si Tali ay ang pagiging fan ng KPop group na "BTS."

“Isa sa latest discovery ko sa kaniya member siya ng BTS ARMY," natatawang sabi ni Vic. "Alam niya na yung ‘Dynamite,’ yung ‘Butter.’ Paulit-ulit ’yon tapos pinapanood niya.”

Ibinahagi rin ni Vic na sobrang energetic ng kaniyang anak. Kaya naman kailangan niyang alagaan ang kaniyang kalusugan para makasabay sa pakikipaglaro kay Tali.

“Hindi pwedeng tatamad-tamad ka dahil may kakulitan ’yung bata,” aniya. “Kailangan makipagtaguan ka, habulan, lahat ’yon. Kailangan may energy ka hindi lang sa pisikal [kundi] pati sa salita. Talo ’ata si Pauleen nito sa kadaldalan.”

Sinabi rin ng aktor at TV host na laging nagdarasal si Tali na magkaroon na sana ng kapatid.

“Tuwing magdadasal sa gabi, parating, ‘Papa Jesus, thank You for my dad, thank You for my mom. Can You please give me a baby sister or baby brother?,’” kuwento ni Vic.

Pero ayon kay Vic, mayroong maliit na problema.

"Ang problema, parati naming katabing matulog eh," natatawang sabi ni Bossing.

--FRJ, GMA News