Pumanaw sa edad na 41 ang award-winning director na si Eduardo “Edong” Roy Jr. Kabilang sa mga pelikulang ginawa niya ay ang "Pamilya Ordinaryo."

Sa pahayag na ipinadala sa PEP.ph ng kaniyang kapatid na si Myla, sinabing pumanaw si Eduardo habang nakaratay sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City nitong Feb. 21.

“It is with great sorrow that we announce the passing of Eduardo ‘Edong’ Roy Jr.,” saad sa pahayag.“ He has been diagnosed with lymphoma last year.”

Magkakaroon ng lamay sa Feb. 24 - 26 sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City.

Kabilang sa mga nagawang pelikula ni Eduardo ang "Pamilya Ordinaryo," na tungkol sa mag-asawang kabataan na napasabak sa magulong pamumuhay at nawala pa ang anak.

Ilan pa sa mga pelikulang ginawa ni Eduardo ay “Bahay Bata,” “Quick Change,” “Lola Igna,” at “Fuccbois,” kung saan itinanghal siyang Cinemalaya best director noong 2019.

--FRJ, GMA News