Hindi inasahan ni Andrea Torres na makakabiyahe siya nang maaga at matutupad ang pinapangarap na bakasyon sa US.

Sa pagbisita niya sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Andrea umabot din ng dalawang buwan ang kaniyang bakasyon na may kasamang trabaho sa Argentina.

Gumawa kasi ng pelikula sa naturang bansa si Andrea para sa upcoming Argentinian film na may titulong "Pasional."

Matapos ang trabaho doon, nagkaroon na raw siya ng pagkakataon na makapamasyon at makapagbakasyon.

"Nag-work ako sa Argentina tapos pauwi nag-side trip na ako," sabi pa ng Kapuso actress.

Pero hindi niya inasahan na magagawa niya ang pinapangarap niyang bakasyon sa US sa mismong selebrasyon doon ng Thanksgiving.

"Hindi ko akalain na makakapag-travel ako ng ganung kaaga," saad ng aktres. "Wish ko lang sana... ang galing ng nangyari. Sabi ko, sana makapag-Amerika ako tapos 'pag pupunta ako doon Thanksgiving."

Ayon kay Andrea, gusto niyang pumunta sa Amerika ng Thanksgiving dahil nais niyang makatikim ng turkey [na ] mga hinahanda doon at masaya siya na nangyari iyon.

 --FRJ, GMA News