Kinabahan ang cast at crew ng "Prima Donnas" dahil sa pag-aaway nina Jillian Ward at Elijah Alejo habang nasa set. Pero ang eksena pala--"It's a prank!"

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing sobrang napaniwala nina Jillian at Elijah ang cast at crew ng show sa kanilang pag-aaway.

Pero umamin din ang dalawa na biro lang ang kanilang away nang lumapit na ang kanilang program manager.

"'It's a prank' na po agad, nakakahiya eh," natatawang sabi ni Elijah.

"Ako po kasi hindi ko po siya mabasa kung alam niya na po na prank or hindi pa," ayon naman kay Jillian.

Kay Elijah nagmula ang ideya ng kanilang prank. Ang video nito na iniupload nila sa social media, umabot na sa apat na milyo ang combined views.

Hindi raw inakala nina Jillian at Elijah na aabot sa ganung karami ang manonood sa kanilang video.

"Siyempre kabadong kabado po sila tapos kung makikita po ninyo sa video, hindi po nila alam kung sino 'yung kakampihan nila, kasi nga po lahat kami magkakaibigan," kuwento ni Jillian.

"Talaga 'yung mga mukha nila parang, (iginagalaw ang mga mata)," sabi naman ni Elijah.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News