Dahil napag-usapan ang pananampal ni Will Smith kay Chris Rock sa nakaraang '94th Academy Awards, nagbalik sa alaala ng aktres na si Carmi Martin ang dayuhan na sinampal niya sa restaurant.

Sa programang "Mars Pa More," napag-usapan ang nakagugulat na insidente sa naturang awarding ceremony nang sampalin ni Will habang nasa stage si Rock nang dahil sa biro ng huli sa misis ng una.

Sinabi ni Carmi na bigla niyang naalala na minsan ay mayroon na rin siyang sinampal pero iba ang sitwasyon na nangyari sa isang restaurant.

Kuwento ng aktres, isang tour guide ang nagturo sa kaniya sa kasama nitong dayuhang turista at sinabing isa siyang artista.

"Lumapit sa table ko [yung tour guide]. Sinabi nga foreigner ganyan-ganyan... touring the Philippines and he would like to take a picture with you," pahayag ni Carmi.

"Ah yah sure," sagot naman daw ni Carmi at tumayo siya para sa picture taking.

Pero laking gulat daw ni Carmi nang umupo sa upuan niya ang dayuhan at hinatak siya at ikinandong.

"Sinampal ko talaga," ani Carmi. "Sabi ko, 'Who give you the right to do that."

May dumating umanong pulis at pinaalis sa restaurant at dayuhan.

Pinasabihan din daw ni Carmi ang tour guide dahil sa nangyari.

Sinabi ng host ng programa na sina Camille Prat at Kuya Kim Atienza na nasa lugar naman ang ginawang pagsampal ni Carmi lalo pa't may kasama nang harassment ang ikinilos ng dayuhan. --FRJ, GMA News