Nagluluksa si Rufa Mae Quinto sa pagpanaw ng kapatid niyang si Vincent Sy.

Sa Instagram nitong Huwebes, nag-post ang aktres ng lumang larawan na kasama niya ang kapatid at humiling ng panalangin para sa kaluluwa nito.

"Umuwi pala kami ni Alexandria galing America para sa yo Vincent, ang pogi at mabait kong kapatid," saad ni Rufa sa post na naka-tag ang kaniyang anak.

"Mahal ka namin," sabi pa ng aktres na naka-tag si Vincent.

Kasunod nito ay inihayag na ni Rufa ang lungkot na nararamdaman niya sa pagkawala ng kapatid.

"Grabe pala malagasan ng kapatid. Iba din," saad niya.

 

 

Nagpaabot naman ng pakikiramay kay Rufa ang mga supporters niya at kasamahan sa showbiz industry.

Kakauwi lang ni Rufa  matapos na mamalagi ng dalawang taon sa US kasama ang kaniyang mister at anak nang abutan doon ng COVID-19 lockdown. — FRJ, GMA News