Magkakasama sa sitcom ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera na may titulong "Jose & Maria's Bonggang Villa."

Sa press launch at contract signing na ginanap nitong Lunes, inihayag ng Kapuso Primetime Royalties na itinuturing nilang dream come true ang naturang proyekto.

"Hindi lang siya isang trabaho or isang task as an actor, it’s also very very personal for us kasi dream namin ‘to eh," ayon kay Dingdong.

Bukod kasi sa pagbibidahan nila ang sitcom, magiging co-producer din ng show ang mag-asawa.

"Bukod sa makasama namin ang isa’t isa ulit, dream din namin na makabilang sa isang show na we are also a part of through co-producing and creating," dagdag ng aktor.

Sinabi naman ni Marian na, "Isa ‘tong pangarap sa amin lalo na sa akin kasi ang tagal ko nang hindi lumabas sa primetime . So sabi ko kay Dong hindi ako makapaniwala totoo na ito na mangyayari na ito tapos pangarap ko talaga magkaroon ng sitcom kasama si Dong so ito na yung pangarap na ‘yun." 

Ayon kay Dingdong, ang idea ng "Jose at Maria's Bonggang Villa" ay nagmula sa short videos na ginagawa nila sa bahay nang magkaroon ng pandemic.

"Nung nagsimula ang pandemic two years ago nag-simula kami mag-shoot ng small videos sa bahay na ang title ay "Jose at Maria." At doon ko na-realize grabe ang sarap talaga pa rin katrabaho ni Marian at 'yun 'yung palaging sinasabi ng maraming tao," ayon kay Dingdong.

"At nagreminisce ako sa mga araw nung nakilala ko siya which was around 2007 sa 'Marimar.' Sobrang professional, sobrang galing at kahit dun sa mini videos na ginagawa namin ganoon pa rin yung dedication niya," dagdag niya.

Ang sitcom ay collaboration ng GMA-7, APT, at DongYan.

"I’m very grateful to APT,  I’m very grateful for the trust, thank you for building on the idea at dahil doon nanganak yung tahanan namin sa mas magandang konsepto which is Bonggang Villa," patuloy ng aktor.

Nagpasalamat din si Dingdong sa tiwala sa kaniya ng GMA-7, na sa pagkakataong ito ay hindi lang bilang aktor kung hindi isang co-producer na rin.

Mapapanood ang "Jose & Maria's Bonggang Villa" sa GMA-7 simula sa Mayo 14. —FRJ, GMA News