Sinabi ng aktres na si Amber Heard na nakatikim siya ng pananakit sa dating mister na si Johnny Depp sa kanilang honeymoon.

Ikinasal ang dalawa noong February 2015 at nag-honeymoon sa Orient Express train noong July ng nasabing taon matapos na magawa ni Johnny ang ika-limang "Pirates of the Caribbean" movie, ayon sa ulat ng Reuters.

Sinabi ni Amber sa jurors nitong Lunes na isinalya siya ni Johnny sa dingding at sinakal gamit ang damit.

Nagsampa ng defamation case si Johnny laban kay Amber kaugnay sa lumabas na ulat sa The Washington Post noong December 2018.

Inilarawan dito ng aktres ang sarili na "public figure representing domestic abuse."

Hindi tinukoy ni Amber ang pangalan ni Johnny pero nagsampa ng $50 million damage suit ang aktor laban sa kaniyang dating misis dahil pinapalabas umano siyang nananakit ng asawa.

Nagsampa naman ng kontra-demanda si Amber at humingi ng $100 million damages dahil umano sa naranasan niyang "rampant physical violence and abuse" sa aktor.

Sa muling pagsalang ni Amber sa witness stand sa Virginia court nitong Lunes, sinabi ng aktres na nagtalo sila ni Johnny kaugnay sa kung dapat bang uminom ng alak ang aktor sa kanilang biyahe.

Giit ng aktres, nagiging marahas umano ang kaniyang dating mister kapag nalasing o nakagamit ng droga.

Basahin: Amber Heard, may personality disorder, ayon sa testimonya ng psychologist

Sa isang tulugan sa tren, sinabi ni Amber na sinampal siya ni Johnny at ilang beses siyang isinalya sa dingding. Naghubad umano ng damit ang aktor at itinali sa kaniyang leeg.

"That's how I woke up the next morning," ani Amber. "I woke up with it still around my neck and a giant knot on the back of my head."

Sa naunang testimonya ni Johnny, sinabi ng aktor na hindi niya sinaktan si Amber, at ang aktres pa umano ang tunay na nananakit sa kaniya.

Sa isang pagkakataon, sinabi ni Johnny na binato siya ni Amber ng bote ng vodka na naging dahilan ng pagkakasugat ng isa niyang daliri.

Paliwanag ni Amber, nagagawa lang niyang saktan si Johnny kapag ipinagtatanggol niya ang kaniyang sarili o ang kaniyang kapatid na babae.

Sinabi ni Amber sa nakaraang testimonya na ginamitan umano siya ni Johnny ng bote ng alak sa maselang bahagi ng katawan at pinagbantaan na papatayin.

Nitong Lunes, itinanggi ng aktres ang alegasyon ni Johnny na nag-iwan siya ng dumi sa kanilang kama matapos ang kanilang pag-aaway noong ika-30 kaarawan niya.

Ayon sa testimonya ng security guard, sinabi umano ni Amber na "horrible practical joke" ang naturang iniwanang dumi sa kama.

Giit pa ni Amber, wala siyang ginawang biro nang araw na iyon, at wala raw siya sa "pranking mood."

"I had just been attacked on my 30th birthday by my husband, with whom I was desperately in love and knew I needed to leave," saad niya.

Inaasahan na magsasagawa ng cross-examination ang abogado ni Johnny kay Amber matapos ang kaniyang testimonya.--Reuters/FRJ, GMA News