Inilahad ni Jillian Ward ang kaniyang paghanga sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera, na kaniyang role model pagdating sa showbiz career at pagiging isang ina.

"Ako po talaga idol na idol ko po si ate Marian Rivera since five-years-old po ako," sabi ni Jillian sa "Mars Pa More."

"Ang ganda po and siyempre lahat po ng mga iconic roles na mga babae nagawa niya na po. And bilang role model din po sa personal life niya. Sa family life niya, naaalagaan niya 'yung kids niya," dagdag ni Jillian.

Gusto raw ni Jillian na maging matagumpay sa showbiz industry, at magkaroon ng isang masayang pamilya balang araw, tulad ni Marian.

"Gusto ko po in the next mga 15 years, maging ganoon din po ako, maging successful po akong artista and sa personal life ko rin po, magkaroon ako ng masayang family," ang young star.

Samantala, hindi naman itinago ni Jillian na intimidated siya sa totoong buhay kay Gina Alajar.

"Naku, alam naman po ito ni Nanay Gina Alajar. Kasi siya po ang aking direktor for three years sa 'Prima Donnas' po. So nai-intimidate po ako sa kaniya kasi siyempre gusto ko po na ma-please ko po siya bilang direktor ko," kuwento ni Jillian.

"Kahit love na love ko po siya minsan natatakot pa rin po ako sa kaniya kasi gusto ko po talaga na magustuhan niya 'yung performance ko," patuloy ng teen actress.

Pagdating naman sa Kapuso na gusto niyang maka-close, binanggit ni Jillian si Bea Alonzo.

"Ako si Ms. Bea Alonzo po. Kasi feeling ko po ang dami kong matututunan sa kaniya, acting wise or sa personal life. And ang galing niya po talagang artista," ani Jillian.--FRJ, GMA News